Tag Archives: OFWs

PAUNAWA: BAWAL MANATILI RITO

Standard

PAUNAWA: BAWAL MANATILI RITO
(Isang eksena sa New York Philippine “Independence” Day Parade 2011)

“We can’t let this group stay!”

dinig kong mariing sinabi
ng isang marshal sa parada
nang umabot ang aming pulutong
sa harapan ng entablado;
sa entablado kung saan naroon
ang mga bisitang opisyales
mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Taon-taon, nagma-martsa
para sa “Araw (daw) ng Kalayaan”
Taon-taon, nagtatanong:
Malaya nga ba?
Kaya naman taon-taon,
bitbit ang mga panawagan:
“Legalisasyon para sa lahat!”
“Stop trafficking our people!”
“No to Labor Export Policy!”
“No to Deportation!”
at “Justice for *OFWs!”
At taon-taon ding inaasahang
panunupil ang isasalubong.

Kung bakit may mga panawagan?
Wala naman kasing kalayaan
hangga’t may tinuturing na ilegal
hangga’t may mga kababayang ipinangangalakal
hangga’t may nagtatrabaho sa ibang bayan
nang may maipantustos sa pamilyang naiwan.

“We can’t let this group stay,” ika nga ng marshal.
Hindi nga ba’t ito ang motto ng gobyerno
para sa mahigit apat na libong kababayang
umaalis ng bansa araw-araw?

“We can’t let this group stay,”
dahil sila ang lilikas para magtrabaho
dahil sila ang magbabanat ng buto
dahil sila, silang mga migrante
ang may pera raw na pambato
at sa kaban ng bayan ay sasalo.

Kung gan’on, saan kami pupunta,
kung sa sariling bansa mismo’y
pinaaalis ng gobyerno,
at sa ibang bansa nama’y
hindi rin malugod na tinatrato?

“We can’t let this group stay,”
‘yun ang dinig kong sabi ng marshal.
Dahil ba nag-iingay kami?
Dahil nagpo-protesta kami?
Dahil namumulat na kami?

“We can’t let this group stay,
we can’t let this group stay!”

Ah, sabagay.
Kailan n’yo nga ba kami pinanatili
sa isang lugar para mamuhay
nang mapayapa at malaya?

———————-

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG
NAKIKIBAKA’T LUMALABAN
PARA SA TUNAY NA KALAYAAN!

*Overseas Filipino Workers