Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang magiging laman nitong bagong blog na ito. Matagal na kasi akong hindi nagsusulat sa blog. Halos dalawang taon na rin pala. Naalala ko, noon, apat-apat pa ang mine-maintain kong blogs (Modblog, Friendster, Livejournal at Multiply — nakahanay sa pagkakasunod-sunod ng kung ano ang unang nasimulan hanggang sa kung ano ang huling ginamit).
Pero siguro nga, for a certain period, napagod akong mag-update kaya’t nag-stick at nakuntento na lang sa Facebook notes. Tutal, andun na naman halos lahat ng mga kaibigan at kakilala, at mas madaling i-navigate ang applications, at mas mabilis ang server o interface — o kung anuman ang tawag du’n (kung may nakakaalam, paki-korek na lang ako. Hehe.) I guess, tinalbugan na nga talaga ang Friendster at MySpace. Well, anyway, hindi ko naman intensyon na pag-kumparahin ang mga social networking sites na ito sa blog entry na ito. Base lang din sa experience ng kung ano sa tingin ko ang mas mabilis at mas user-friendly na nagreresulta sa mas produktibo at epektibong propaganda para sa mga naging kampanya ng mga organisasyon at alyansang kinabibilangan. Well, maaaring mali rin ako at maaaring iba ang pananaw ng ibang tao. Sa katunayan, hindi naman talaga lahat ay naaabot ng Facebook.
“PERSONAL IS POLITICAL”
Anyway, balik sa rason na kung bakit hindi na ako nakapag-blog nitong nakaraang halos dalawang taon, marahil gawa na rin nang maraming inasikaso kaya’t hindi na rin nakuhang mag-update. Sabi ko nga sa mga kasamang nagtatanong kung bakit ako tumigil, kadalasan din kasi ay puro mga press releases at statements na ang mga naisusulat at hindi na lang tungkol sa personal na buhay. Pero sabagay, ika nga naman kasi, “personal is political”. Maaari sigurong sabihin na sa loob ng halos dalawang taong hindi nakapag-blog ay naisabuhay kahit papaano ang tunay na diwa ng quote na iyon. At hindi na lamang nagsusulat para i-kwento ang mga nangyari sa sariling buhay kundi in relation na rin pati sa mga komunidad na ginagalawan at sa kung paanong hinuhubog nito ang kasaysayan at tumatalakay sa mga pulitikal, panlipunan at pang-ekonomiyang kalagayan na nakaka-apekto sa mga miyembro ng lipunan, at in effect, sa personal na katayuan. At p’wedeng-p’wede pa rin namang gawin iyon sa blog. At mas lalu pa nga para mas marami pang mapaabutan ng mga mahahalagang mensahe sa mga tambay ng cyberspace.
Kahit papaano rin siguro ay masasabi kong natutunan ko na ring maging mas kritikal sa mga isinusulat at hindi na lamang nagsisilbi para sa pansariling interes kundi para sa ikabubuti nang mas malawak na hanay ng lipunan. Para ring sa photography at sa paggawa ng musika, tula, design at artworks na ilan din sa mga hilig kong gawin. Kung noon ay puro takip-silim, bukang-liwayway, mga bulaklak o insekto ang produkto ng pagpindot sa camera; o puro tungkol sa lablayp (or the lack of it) ang mga tulang naisusulat; o puro sarili o commercial advertising ang nilalaman ng artworks at graphic design; at puro senti at saksak-puso ang mga kinakanta sa bidyoke; ngayon ay nagpapahayag na ang mga ito ng mga isyung kinakaharap ng isa o multiple na mga sektor, o ng indibidwal pero in relation sa kabuuan o sa kolektibong pananaw.
Marahil isa sa mga natutunan ko (habang nagpapahinga mula sa pagba-blog) ay dapat laging may “call to action” ang mga sining o sulating ginagawa. Hindi lamang naglalaman ng mga random o abstract na mga bagay o imaheng nagpapahayag ng damdamin kundi naglalaman ng mga paksang sumasalamin sa mga problemang kinakaharap ng isang partikular na grupo, sektor o uri (at sa kaso ngayon, kadalasan na ay iyong oppressed at exploited) at kung paano itong masosolusyonan sa pamamagitan ng pagpapanawagan ng pagkilos.
KAMPANYA at KAMPANYANG MASA
Naaalala kong napag-aralan namin noon sa college ang tungkol sa paggawa at pagpa-plano ng mga kampanya para sa mga produktong binebenta ng mga kompanya. Visual Communication ang major ko sa kolehiyo. Pero sa totoo, at madalas pa sa hindi, ang napansin ko ay ginu-groom ang mga estudyante na pumasok sa industriya ng Advertising pagka-graduate kaya naman naaalala kong ang mga theses noon ng mga estudyante sa kurso ko, karamihan ay tungkol sa pagbubuo ng campaigns para sa isang produkto o advocacy (kadalasan ay para sa mga proyekto ng mga NGOs o non-government organizations). Parang bihira yata ang mga gumawa ng pelikula o gumamit ng iba pang media.
Pero sa kabila ng mga ito, masasabi ko sigurong hindi sa akademikong paaralan ko lubos na natutunan kung paanong tumatakbo ang kampanya. Mas naintindihan ko kung paanong pinapatakbo ang mga kampanya sa pamamagitan ng paglubog sa komunidad. Dahil mula sa komunidad, doon mahahagilap ang mga problema — tunay at konkretong mga problema (problema sa edukasyon, pabahay, trabaho, kalusugan, immigration status, atbp). At para masolusyonan ang mga ito, kailangang mapakilos ang pinaka-maraming bilang ng miyembro ng komunidad dahil sa kanila rin mismo manggagaling ang mga sagot sa problemang kinakaharap nila.
Iyon nga siguro ang natutunan at nakita kong kaibahan ng kampanyang binubuo ng pagsuyod sa mga bahay-bahay, eskwelahan, pagmamaksimisa sa mga centers at ng kampanyang may salik ng solidong pag-oorganisa para maiparating ang mensahe sa mga target audience at sa mas malawak na hanay ng masa. Kailangang lumubog at makipamuhay sa kanila (kaya nga yata tinawag na kampanyang masa o mass campaigns at hindi lang basta-bastang ‘kampanya’). Kaya rin siguro ako nagtagal sa ganitong klase ng buhay kumpara sa noong nagtatrabaho pa sa mga kompanya na nakaupo lang sa loob ng isang opisina at nakaharap sa kompyuter buong araw at sunod lamang sa utos ng direktor. Dahil dito sa kampanyang masa, may konkretong layunin at may tinatanaw na tagumpay sa pagtatapos ng kampanya na hindi lang nagsisilbi para sa benepisyo o sa pagkamal ng tubo o kita para sa iilan kundi para sa mas maraming bilang at mas malawak na hanay ng mga mamamayan.
Kung sa sistemang kapitalista, nasusukat ang tagumpay ng kampanya ng mga kompanya o korporasyon sa dami ng sales ng isang produkto. Sa kilusang masa, nasusukat ang tagumpay ng kampanya sa kung gaano karami ang namo-mobilisang tao para lumahok sa mga demonstrasyon at mga pagkilos, at sa kung nakamit ba ang mga layunin o na-address ba ang mga pangangailangan para sa partikular na isyung binibitbit.
Mahirap sigurong intindihin sa simula ang konsepto na “ang pagra-‘rally’ ang pinakamataas na porma ng protesta”. Kahit noong simula ay hindi ko rin ito lubos na naiintindihan. Pero kung iisipin, tama ito dahil dito talaga masusukat — sa dami ng mga lumalahok — kung gaano ang naabot na tagumpay ng edukasyon at pag-oorganisa sa paglulunsad ng kampanyang masa, at kung gaano karami ang napapamulat para maka-relate at kusang-loob na tumangan sa kahalagahan ng mga isyu upang dumating sa punto na lalabas at bibitbitin na ang mga ito ng malaking bilang ng mamamayan tungo sa lansangan.
Hindi ako nagsusulat ngayon para mangaral tungkol sa pagpapatakbo ng kampanya, dahil hindi naman ako expert d’yan. Hehe. Marami pang dapat matutunan at marami pang maling gawi ang dapat i-wasto. Napapasulat lang ako tungkol sa kampanya dahil ang mismong pagsisimula muli ng blog na ito ay produkto ng samu’t saring kampanyang nilahukan na nagkamit ng mga hindi-maitatago at hindi-maikakailang tagumpay ng sambayanan. Masasabi ko sigurong ang 2010 ay isang campaign-filled na taon para sa akin.
“FREE THE 43”
Una na ang Free the Morong 43. Pebrero ng taong ito, sa administrasyon ng dating “Pangulong” Gloria Macapagal Arroyo, nang ilegal na inaresto, hinuli, ipiniit at tinortyur ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 43 healthworkers sa Morong, Rizal, Philippines sa dahilang miyembro raw ang mga ito ng New People’s Army (NPA). Pinaratangan sila ng AFP na naroon daw sila sa Morong ng panahong iyon para dumalo sa isang bomb-making workshop. Isa sa kanila ay batchmate ko sa unibersidad at kasabayan sa student council.
Matapos ang mahigit sampung buwang itinagal sa loob ng kulungan (una sa Camp Capinpin sa Rizal na malayo para sa mga kapamilya ng mga healthworkers at sa kalaunan ay nailipat sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan nang dahil sa pangangalampag at malawakang panawagan), at nang dahil sa pressure na resulta ng sama-samang pagkilos ng taongbayan at ng international community, inutos ng bagong-halal na si Pangulong Noynoy Aquino ang pagwi-withdraw ng charges sa Morong 43 nito lang nakaraang December 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao (International Human Rights Day).
Masasabi kong isa ito sa mga rason kung bakit ako nagsisimulang magsulat ulit ngayon. Dala siguro ng inspirasyon, na sa sama-samang pagkilos ay may magbubungang tagumpay. Matagal ko na itong alam pero sa ganitong mga panahon ay mainam na ipaalala sa sarili na pinaka-makapangyarihan pa rin sa lahat ang kolektibong pagkilos. Na hindi lamang nakasalalay sa iisa ang tagumpay ng mga kampanya, kundi sa lahat nang nag-ambag, sa maliit man o malaking paraan — mula sa mga kababayan at kaibigang ibang lahi na nasa ibayong-dagat na pumirma sa mga petitions, naglagay ng “Free the 43” bilang kanilang mga profile pictures sa Facebook at naglunsad ng mga aksyon sa kani-kanilang mga rehiyon, hanggang sa mga kaanak at mga kasamang walang-sawang bumiyahe tungo sa kampong pinagkakapiitan sa 43 sa kabila ng pagod at kawalang-kasiguraduhan sa paglaya ng mga ito, at sa Morong 43 mismo na hindi pinanghinaan ng loob sa gitna ng matinding pagsubok.
Sa ngayon ay 33 pa lang ang napapalaya. May 10 pang natira (tama ba ang bilang ko?) At hangga’t hindi pa sila napapalayang lahat at hindi pa nakakamit ang hustisya ay hindi pa tapos ang kampanya. Bagamat maituturing na isang malaking tagumpay na ang mapalaya ang karamihan sa kanila.
IAMR3
Ikalawa ang Third International Assembly of Migrants and Refugees (IAMR3). Noong nakaraang buwan (Nobyembre), naganap ang IAMR3 sa Mexico at hindi rin naman talaga ako nakapag-kwento tungkol dito. Masasabi ko sigurong isa sa mga highlights ng taon ko ito. Bilang bahagi ng secretariat (dahil ang rehiyon namin ang pinakamalapit sa pagdadausan), maraming gabi, umaga, at pati na hapon at madaling-araw, ang iginugol para sa mga phone at skype conferences (isa siguro sa mga distinct na katangian ng pagkilos sa ibayong dagat, lalu rito sa North America, dahil iba-iba ang timezones at hindi kayang mag-meet nang personal) na kadalasan ay inaabot ng tatlo o apat na oras. Hindi ko na siguro iisa-isahin ang pagod at hirap na dinanas sa pagpa-plano at pag-aayos ng international assembly na ito — bukod sa isang pagkakataon na napasabak nang mag-isa (doon na ito sa Mexico) at nasubukan talaga ang pasensya at kakayahang maka-survive nang ilang oras bilang hindi naman marunong magsalita o makaintindi man lang ng Espanyol. Ang mga katagang “problem-solving” (na galing din sa isang kasama) ang talaga namang nakatulong at ang nagpigil sa akin para mag-moda sa panahong ito. At s’yempre, ang pagpapaalala sa sarili ng pakikibaka ng mas api pang mga sektor ng lipunan.
Lahat nang naganap sa Mexico ay hindi malilimutang mga karanasan. Mula sa mga makukulay at masisiglang mga kultural na pagtatanghal, hanggang sa mga tribunal, hanggang sa araw-araw na mobilisasyon sa iba’t ibang parte ng Mexico (Mexico City, Guadalajara at Puerto Vallarta) sa gitna ng mahahabang oras ng caravan kasama ang mga ina ng mga desaparecidos (nawawala) mula sa Honduras at ang mga ex-braceros* para mag-protesta laban sa Global Forum on Migration and Development (na sa totoo ay hindi naman talaga tumatalakay sa mga isyu ng migrante kundi pinapalakas pang lalo ang neoliberal na globalisasyon na nagbibigay-daan sa mas matinding eksploytasyon at pagbebenta/pag-e-eksport ng mga malalaking korporasyon at ng mga gobyerno sa mga mamamayan mismo ng mga ito para magkamal ng mas malalaking kita). Hindi rin malilimutan ang mainit na pagtanggap ng mga local hosts na nagpatulog at nag-ampon sa amin sa kanilang mga tahanan noong huling gabi ng assembly.
Kung may aral na natutunan, ito ay ang pagpapatingkad pang lalo sa laban ng mga MIGRANTE at sa lakas ng nagkakaisang international community. Nakita ko na ito noong dumalo sa Founding Assembly ng International Migrants’ Alliance (IMA) at sa Third International Assembly ng International League of Peoples’ Struggle (TIA-ILPS) sa HongKong noon June 2008, pati na sa unang International Assembly of Migrants and Refugees at 5th Congress ng MIGRANTE International sa Manila noong Oktubre-Nobyembre ng parehong taon. Pero kahit pala naranasan ko na ito, ganun pa rin ang pakiramdam sa tuwing makakadaupang-palad ang iba pang mga kasama mula sa iba’t ibang parte ng mundo. At sa bawat pagkakataon, mas lalo pang lumalakas ang resolusyon na ipagpatuloy ang ginagawa dahil pinapatunayan lamang ng mga ganitong klase ng pagtitipon ang ka-wastuhan ng linyang sinusundan.
Ang mas ikinatuwa ko pa siguro ngayon ay mas marami ang nakasama mula sa US (bagamat karamihan ay mga Fil-Ams at kakaunti lang ang mga migrant workers), partikular na rin sa New York kung saan ako naka-base. Natutuwa akong hindi na lang ako ang nakakita at nakaramdam ng lakas at paghanga sa organisadong kilusang masa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Marahil para sa ibang mga kasama, nabigyan ng mukha ang international movement at nagbigay-inspirasyon ang karanasang ito para sa pagpapatuloy pa sa puspusang pagkilos lalu’t nasa pusod ng imperyalismo kung saan malakas ang hatak ng mga baluktot na mga kaisipan.
Kaya naman sa July 2011, umaasa akong marami mula rito sa US ang dadalo sa 4th IA-ILPS at sa ikalawang asembliya ng IMA (at sa Founding Assembly rin ng International Women’s Alliance o IWA) lalu pa’t sa Pilipinas ito gagawin. Tiyak magiging daan ang mga ito para sa pagtatagumpay pa ng mas malalaki pang mga kampanya at pagkilos.
SA PAGTATAPOS NG UNANG ENTRY SA BAGONG BLOG
(Well, pangalawa, technically… Hehe.)
Hindi ko na muna lalahatin ang mga kampanyang napagtagumapayan dito sa US (partikular siguro sa East Coast, o maaari ring sa national o mga isyu sa ibang states) sa taong ito. Sa susunod na blog entry na siguro, kung sipagin man ulit magsulat. Tipong mala-year-ender bago mag-bagong taon. Hehe. Sa ngayon ay gusto ko lang ibahagi ang mga dahilan kung bakit ako nagbukas ulit ng blog at kung ano ang mga kampanyang nakapagpa-iyak sa akin, hindi lamang dahil sa pagod kundi higit pa, nang dahil sa tuwa, pag-asa at hindi-matatawarang militansya ng nagkakaisang mamamayang nakikibaka. At s’yempre, para naman din may laman. Hehe. Joke.
Dagdag rin siguro sa mga dahilan ay ang pagmumungkahi ng ilang mga kasama na simulan ko ulit ang pagsusulat sa blog para may nababasa sila tungkol sa mga kaganapan dito sa US. At s’yempre, ang pagse-seryoso sa mungkahing ito. For that, heto na. At sineryoso ko nga s’ya. Pati pangalan ay hindi na “Jonnabebeh” na kadalasang gamit ko sa mga nauna kong blogs. Mas matured? Ewan ko lang. Pero minsan siguro, kailangan talagang mag-seryoso para seryosohin din ng ibang tao. At ‘yun din siguro ang isa sa mga pinaka-mahalagang natutunan ko sa panahong blogless ako.
Wish ko lang ay magtuloy-tuloy nga ito. Sana nga ay maging mabuti at tapat akong tagapamalita ng mga kaganapan, at maihayag sa abot ng makakaya ang mga karanasan at tunay na kalagayan ng mga migrante (at Fil-Ams na rin) na nakikipag-sapalaran at nakikipaglaban dito sa Belly of the Beast. Hangga’t may maisusulat naman at may mga natututunang bago mula sa mga karanasan — at higit sa lahat, hangga’t patuloy ang laban — asahan ninyong ang blog na ito ay buhay at mananatiling bukas at magsisilbi para sa ikauunlad ng ating pagkilos at sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at pambansang demokrasya, nasa Pilipinas man o nasa New York o mapadpad man sa Kenya o Antarctica. At iyon, iyon ang pinaka-malaking kampanyang susuungin nating lahat.
*Mga Mexicanong manggagawang agrikultural na dinala sa US noong mga taong 1940’s at mahigit 60 taon nang nakikipaglaban para sa kanilang mga sahod na hindi binayaran ng gobyernong US at Mexico.
———————
PS: Maaaring mag-shift ako minsan sa Ingles para maka-relate din ang mga kasamang Fil-Ams.
PPS: Ang mga isusulat dito ay pawang mga opinyon at pagsasalaysay lamang ng blogger at hindi nangangahulugang kumakatawan sa mga organisasyon o alyansang kinabibilangan. Pero maaaring mag-post din ng mga updates, press releases o statements ng mga ito.
PPPS: Para sa mga makakabasa, pasensya na sa haba. Ngayon nga lang kasi ulit nakapag-blog kaya naman siguro na-eksayt. &=)
PPPPS: First time ko sa WordPress (para sa personal blog) at mukhang ok dito. &=)
PPPPPS: At isang mapagpalayang Pasko sa ating lahat! STP!ü