First published in Pinoy Weekly.
–
Hindi Sapat
Kulang
ang patak ng luha
para sa inyong hinagpis.
Para sa inyong mga nawalan ng mahal sa buhay;
para sa inyong ang mga ari-arian ay nilamon ng karagatan;
para sa inyong napundi ang pag-asa’t lakas;
para sa inyong kinalimutan ng nagha-hari-hariang
nakahimlay nang mahimbing sa gintong tirahan.
Hindi ninyo kasalanan
kung kayo’y mag-alsa’t
dumaluyong sa lansangan;
tulad nang pagdaluyong
ng unos sa mga larangan.
Ang mundo’y inyong katuwang —
sa pag-ahon,
sa pagbalikwas,
sa inyong galit sa mga nagpabaya.
Kayong nakaligtas at nanatiling may pag-asa para sa bayan;
kayong libu-libong muling nagtayo ng mga tahanan;
kayong naghimagsik, tumindig at lumaban
dahil tumimo sa inyo ang kainutilan ng iilan.
Dahil inyong napagtanto
na ang hinagpis
at patak ng luha
ay kulang.
09 Nobyembre 2014
New York, USA
—–
*Para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda/Haiyan, Sendong, Pablo, Ondoy at sa lahat ng mga naging biktima ng kapabayaan ng gobyernong B.S. Aquino III, at maging ng mga nauna rito.