Tag Archives: Education

Hindi Porke sa UST, Ateneo o La Salle Ka Nag-aaral o Gumradweyt…

Standard

Hindi porke sa UST, Ateneo o La Salle ka nag-aaral o gumradweyt,
Hindi ka apektado.

Hindi porke ‘di mo kilala nang personal si Kristel*,
Hindi ka apektado.

Hindi porke nasa ibang bansa ka na
at wala ka nang pakialam sa nangyayari sa Pilipinas
dahil ang gusto mo lang naman ay magpadala sa iyong pamilya,
Hindi ka na apektado.

Hindi.
Hindi sapat na dahilan ang mga iyon para magsawalang-bahala.
Dahil kahit nasaan ka pa, anuman ang iyong propesyon, damay ka.

Buwis mo ang ipinambabayad sa pagpapa-aral sa mga Iskolar ng Bayan.
Dugo at pawis mo ang nagpapatakbo sa pambansang pamantasan.

Buwis mo —
mula sa VAT** na ipinapataw sa pang-araw-araw na mga bilihin at serbisyo;
mula sa buwis na kinakaltas sa iyong sweldo sa trabaho;
mula sa remittances na pinapadala mo sa pamilya mo.

Pero may isang namatay, nagpakamatay, pinatay —
ng isang bulok na sistemang hindi ginamit sa ayos
ang buwis mong ibinigay.

Ang gusto lamang naman n’ya ay makapagtapos ng isang semestre.

Pero sukdulan na talagang binitawan ng estado ang responsibilidad nito
sa dapat sana’y itinuturing na PAMBANSANG UNIBERSIDAD —

Hindi.
Hindi nito tinupad ang responsibilidad.
Hindi nito ibinigay sa kanya ang pagkakataon.
Dahil wala raw pambayad ang pamilya n’ya!

Pero hindi nga ba’t bayad na s’ya?
Matagal na’t araw-araw pa, minu-minuto, segu-segundo.

Bayad na s’ya, mula pa sa buwis mo,
at ng bawat mamamayang kumakayod nang husto!

Pero saan nga ba napunta ang buwis na ibinabayad mo?

Hindi.
Hindi kay Kristel.
Hindi sa Iskolar ng Bayan.
Malinaw ‘yan sa mga naging kaganapan.
Malinaw na napunta sa mga kamay
ng mga nasilaw sa ginto’t yaman.

Ilan pang Iskolar ng Bayan, ilan pang kabataan,
ang mamamatay, magpapakamatay, papatayin —
ng bulok na sistema ng estado?

Ilan pa, hangga’t patuloy mong sinasabi sa sarili:
“Hindi ako apektado!”


16 Marso 2013

New York, USA

—————
*‘Unable to pay tuition, UPM freshie commits suicide’
**VAT = Value Added Tax