Category Archives: tula

YOU

Standard

For all the times I heard you say “I love you”
And silently exclaim “why not me?”
When I chose to love countless others,
but failed;

For all the times you tried to hold my hand
And touched my back,
And brushed your hand through my hair,
And leaned your body against mine;

For all the times when you would talk to me
And share your stories with glowing eyes
And excited breaths and expressive hands;

I wonder,
What really did you want me to feel?
What really did you want me to say?

Did you want me to say “I love you” back
Or tell you it had been you all along?

When truth is, I was afraid
Afraid that I would get hurt
By whom I’ve written these poems for
For years — a decade even,
And sang these sad songs for.

Advertisements

FIRING SQUAD

Standard

save_MJ

FIRING SQUAD

Karag-karag mo ang maleta
tungo sa iyong destinasyon,
sa lugar na inaakalang mag-aahon
sa iyong pamilya mula sa kahirapan.

Dala mo ang mga pangarap
na hindi natupad sa inang bayan,
dahil ang mga pangarap na ito’y
ibinenta ng sistemang kapital ang ipinaiiral.

Sa maletang iyon, itinanim at natagpuan
ang drogang nagsadlak sa iyo sa kulungan,
at ngayo’y nakapilang bibitayin
sa krimeng hindi ikaw ang may kasalanan.

Sino ang may kagustuhang
mamatay sa lupang hindi sinilangan?
Sino ang may kagustuhang mabitay
kasama ang mga pangarap na tinanganan?

Hindi ikaw, Mary Jane.
At hindi sila Flor, Marilou, Sally at Elizabeth.
Hindi sila Ramon, Joven at Carlito.
Hindi sila Fely, Putli at Lorna.

At alam natin iyan.
Alam nila Elma, Letty, Jackie;
alam ng Florida 15, at ng GIS workers,
at ng libu-libo pang nalinlang
ng mga pangako ng magandang bukas
sa ibang bayang inakala’y kaiba
sa bayang ayaw sanang lisanin ngunit napilitan.

Hindi ninyo kasalanan na tayo’y pinabayaan
ng gobyernong nangako ng tuwid na daan.
Hindi kayo ang may sala sa paglikas
ng milyun-milyong kababayang nangibang-bayan.

Hindi ikaw, Mary Jane,
ang ganid na nagpabaya.
At lalung hindi ikaw ang naghangad
ng labis-labis na biyaya.

At muli, alam natin,
na ang iyong nais lamang naman,
ay iyong kumita nang sasapat lamang
upang mabuhay ang pamilyang naiwan.

Patawad, Mary Jane.
Binigo ka ng iyong gobyernong
bulag sa kapangyarihan.

Marami marahil ang magkikibit-balikat lamang,
dahil wala nga naman sila sa iyong kalagayan.

Pero sana’y dama mo
na mas marami ang sumisigaw ng katarungan;
mula New York, Japan, Middle East, Europa, Australia,
at maging sa tuktok ng mga bulubundukin ng Mindanao at Cordillera.

At hanggang sa huli —
tangan ang nag-aalimpuyong damdaming hindi maikukubli,
sa trabaho man, lalu’t higit sa mga pagkilos,
hanggang sa pagtulog sa gabi —
asahan mo, Mary Jane, hanggang sa huli —
kasama mo kami.

24 Abril 2015
New York, USA

SAVE MARY JANE VELOSO!
SAVE ALL OFWs IN DEATH ROWS!
NO TO ANOTHER FLOR CONTEMPLACION!
JUSTICE FOR ALL MIGRANT WORKERS!
END LABOR EXPORT POLICY!

Hindi Sapat

Standard

First published in Pinoy Weekly.

Hindi Sapat

Kulang
ang patak ng luha
para sa inyong hinagpis.

Para sa inyong mga nawalan ng mahal sa buhay;
para sa inyong ang mga ari-arian ay nilamon ng karagatan;
para sa inyong napundi ang pag-asa’t lakas;
para sa inyong kinalimutan ng nagha-hari-hariang
nakahimlay nang mahimbing sa gintong tirahan.

Hindi ninyo kasalanan
kung kayo’y mag-alsa’t
dumaluyong sa lansangan;
tulad nang pagdaluyong
ng unos sa mga larangan.

Ang mundo’y inyong katuwang —
sa pag-ahon,
sa pagbalikwas,
sa inyong galit sa mga nagpabaya.

Kayong nakaligtas at nanatiling may pag-asa para sa bayan;
kayong libu-libong muling nagtayo ng mga tahanan;
kayong naghimagsik, tumindig at lumaban
dahil tumimo sa inyo ang kainutilan ng iilan.

Dahil inyong napagtanto
na ang hinagpis
at patak ng luha
ay kulang.

09 Nobyembre 2014
New York, USA

—–

*Para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda/Haiyan, Sendong, Pablo, Ondoy at sa lahat ng mga naging biktima ng kapabayaan ng gobyernong B.S. Aquino III, at maging ng mga nauna rito.

Hindi Porke sa UST, Ateneo o La Salle Ka Nag-aaral o Gumradweyt…

Standard

Hindi porke sa UST, Ateneo o La Salle ka nag-aaral o gumradweyt,
Hindi ka apektado.

Hindi porke ‘di mo kilala nang personal si Kristel*,
Hindi ka apektado.

Hindi porke nasa ibang bansa ka na
at wala ka nang pakialam sa nangyayari sa Pilipinas
dahil ang gusto mo lang naman ay magpadala sa iyong pamilya,
Hindi ka na apektado.

Hindi.
Hindi sapat na dahilan ang mga iyon para magsawalang-bahala.
Dahil kahit nasaan ka pa, anuman ang iyong propesyon, damay ka.

Buwis mo ang ipinambabayad sa pagpapa-aral sa mga Iskolar ng Bayan.
Dugo at pawis mo ang nagpapatakbo sa pambansang pamantasan.

Buwis mo —
mula sa VAT** na ipinapataw sa pang-araw-araw na mga bilihin at serbisyo;
mula sa buwis na kinakaltas sa iyong sweldo sa trabaho;
mula sa remittances na pinapadala mo sa pamilya mo.

Pero may isang namatay, nagpakamatay, pinatay —
ng isang bulok na sistemang hindi ginamit sa ayos
ang buwis mong ibinigay.

Ang gusto lamang naman n’ya ay makapagtapos ng isang semestre.

Pero sukdulan na talagang binitawan ng estado ang responsibilidad nito
sa dapat sana’y itinuturing na PAMBANSANG UNIBERSIDAD —

Hindi.
Hindi nito tinupad ang responsibilidad.
Hindi nito ibinigay sa kanya ang pagkakataon.
Dahil wala raw pambayad ang pamilya n’ya!

Pero hindi nga ba’t bayad na s’ya?
Matagal na’t araw-araw pa, minu-minuto, segu-segundo.

Bayad na s’ya, mula pa sa buwis mo,
at ng bawat mamamayang kumakayod nang husto!

Pero saan nga ba napunta ang buwis na ibinabayad mo?

Hindi.
Hindi kay Kristel.
Hindi sa Iskolar ng Bayan.
Malinaw ‘yan sa mga naging kaganapan.
Malinaw na napunta sa mga kamay
ng mga nasilaw sa ginto’t yaman.

Ilan pang Iskolar ng Bayan, ilan pang kabataan,
ang mamamatay, magpapakamatay, papatayin —
ng bulok na sistema ng estado?

Ilan pa, hangga’t patuloy mong sinasabi sa sarili:
“Hindi ako apektado!”


16 Marso 2013

New York, USA

—————
*‘Unable to pay tuition, UPM freshie commits suicide’
**VAT = Value Added Tax

MOJO at ROJO

Standard

Kaya siguro hindi makausad, dahil hindi pa matapos-tapos ang isang sinimulang tula/prosa/malayang berso/o kung anuman ang tawag dito. Nahanap din ang mga salitang pang-wakas. Para sa isang kasama. Hinihintay ng masa at mga kasama ang iyo/inyong paglabas. &=)

———————–

MOJO* at ROJO**

“Kumusta?
Nagtitingin-tingin lang ako rito sa FB at napadpad ako rito sa page mo.
Hindi ko pala nasagot ang huling message mo noon pang Feb 2011.
Nahiya ako bigla.
Sana ay ok ka, sa’n ka man ngayon.
Buo pa rin ba ang tsinelas?
Sana. &:D

Ingat lagi, brader. STP.***”

FB wallpost. Abril 2012.

I
Isang mensahe ang sumagot sa wallpost ko.
Nitong nakaraang Agosto lang.
Pero hindi ikaw.
Ibang kasama ang sumagot sa tanong ko kung kumusta ka.

Nakapiit ka raw ngayon.
Lagpas isang taon na.
Kaya pala hindi ka na ulit nakasagot.

II
‘Yung kulay-tsokolateng pares ng tsinelas na binigay ko sa iyo noon.
Nuong bago ako umalis; hindi ko alam kung nasabi ko.

Iniingatan ko talaga ‘yon noon,
para sana sa susunod na hiking sa mga bulubundukin ng Japan.

Pero ikaw ang tumupad sa pangarap ko para doon.

III
Hindi pa ako ulit nakabalik.
At hindi ko rin alam kung kailan pa ulit makakabalik.

Sana ay nagamit mo,
at naging mahusay sanang kasama ang pares sa iyo.

At kung sa paglalakbay mo,
ibinigay mo man sa iba pang kasama
o sa masa mang nangangailangan,
para may pang-sapin sa mga talampakang hubad;
salamat.

IV
Kailan nga ba naging sakripisyo para sa atin ang magbigay?
Alam kong gagap na gagap mo iyan.

Dahil ikaw mismo ay hindi nag-kimi,
nang magpasyang tumangan ng tila mas mabigat
at mas matangkad pa yata sa iyong piraso ng asero;
at handang kalabitin ito sa oras na may kumanti
sa mga pananim ni Mang Tano,
sa mga paninda ni ‘Nay Chayong,
sa mga libro’t lapis ni Bunso.

Handa ka ring harangin ang kap’rasong tingi ng bakal
na maaring mas mabilis pa kaysa sa lakbay ng liwanag,
huwag lamang dapuan ng anumang laki — o liit — ng galos
ang mga mag-anak na nagpatuloy, nagpakain at kumupkop.

Doon.

Doon sa mga bulubundukin ng Japan.

V
Sa oras na makarating sa iyo ang sulat na ito,
at kung sakali mang ang isagot mo sa tanong ay:
“Sira na ang tsinelas, sister.
Niratnat na ng mga kasuklam-suklam na nilalang.”
Huwag kang mangamba, brader.

Napudpod man ang tsinelas,
napigtal man o naiwan sa eksena ng sagupaan;
alam kong ang loob mo’y nananatili pa ring kasing-solido —
o higit pa — sa mga batu-bato ng Bundok Tai;
o kasing-taas — o ‘di kaya’y mas angat pa —
sa Bundok Fuji na iyong inakyat.

Dahil doon,
doon sa mga bulubundukin ng Japan;
nakapamuhay mo sila Mang Tano, ‘Nay Chayong at Bunso,
at nadama ang mainit na pagtanggap
ng laksa-laksa pang mga bubong na nagbigay-silong,
na bagamat gawa sa dahon at kung iisa ay kakapiranggot,
pero kung pagsama-samahi’y higit pa sa palasyo
kung makapanukob sa mga gabi’t araw na umuula’t maginaw.

VI
Hindi ka kailanman bilanggo.
Malaya ka.
Malaya mula sa mga kaisipang ganid at bulok.
Malayang lagpas pa sa mga bakal na rehas
at nananahan sa diwa ng mga nagnanais ng pagbabago.

VII
Eh ‘yung pulang sweater, brader?
‘Di mo man ito hawak ngayon,
panigurado ko, ang sagot mo:
“Wala pa ring kupas, sister.”

Image

Image

———————–

* Brand ng tsinelas na naka-gawian nang itawag sa mga tsinelas na pang-hiking (iba man ang brand nito); madalas din ganitong klase ang suot ng mga aktibista dahil matibay at ayos na pang-takbo kapag hinahabol na ng hampas ng mga pasistang pulis

** ”Pula” sa salitang Spanish. Gusto ko lang gamitin sa pamagat dahil ka-rhyme ng Mojo. Ehehe.

*** “Serve the People” o “Paglingkuran ang Sambayanan”

PAUNAWA: BAWAL MANATILI RITO

Standard

PAUNAWA: BAWAL MANATILI RITO
(Isang eksena sa New York Philippine “Independence” Day Parade 2011)

“We can’t let this group stay!”

dinig kong mariing sinabi
ng isang marshal sa parada
nang umabot ang aming pulutong
sa harapan ng entablado;
sa entablado kung saan naroon
ang mga bisitang opisyales
mula sa gobyerno ng Pilipinas.

Taon-taon, nagma-martsa
para sa “Araw (daw) ng Kalayaan”
Taon-taon, nagtatanong:
Malaya nga ba?
Kaya naman taon-taon,
bitbit ang mga panawagan:
“Legalisasyon para sa lahat!”
“Stop trafficking our people!”
“No to Labor Export Policy!”
“No to Deportation!”
at “Justice for *OFWs!”
At taon-taon ding inaasahang
panunupil ang isasalubong.

Kung bakit may mga panawagan?
Wala naman kasing kalayaan
hangga’t may tinuturing na ilegal
hangga’t may mga kababayang ipinangangalakal
hangga’t may nagtatrabaho sa ibang bayan
nang may maipantustos sa pamilyang naiwan.

“We can’t let this group stay,” ika nga ng marshal.
Hindi nga ba’t ito ang motto ng gobyerno
para sa mahigit apat na libong kababayang
umaalis ng bansa araw-araw?

“We can’t let this group stay,”
dahil sila ang lilikas para magtrabaho
dahil sila ang magbabanat ng buto
dahil sila, silang mga migrante
ang may pera raw na pambato
at sa kaban ng bayan ay sasalo.

Kung gan’on, saan kami pupunta,
kung sa sariling bansa mismo’y
pinaaalis ng gobyerno,
at sa ibang bansa nama’y
hindi rin malugod na tinatrato?

“We can’t let this group stay,”
‘yun ang dinig kong sabi ng marshal.
Dahil ba nag-iingay kami?
Dahil nagpo-protesta kami?
Dahil namumulat na kami?

“We can’t let this group stay,
we can’t let this group stay!”

Ah, sabagay.
Kailan n’yo nga ba kami pinanatili
sa isang lugar para mamuhay
nang mapayapa at malaya?

———————-

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG
NAKIKIBAKA’T LUMALABAN
PARA SA TUNAY NA KALAYAAN!

*Overseas Filipino Workers