Category Archives: Political

Para kay Bruks: Simpleng Tao, Kuya, Tatay, Kaibigan at Kasama

Standard

Manila Today: Tinalikuran ni Bruks ang paggamit ng droga at inalpasan ang pagkalulong dito. Siya’y nagpanibagong hubog at tuwirang nagsilbi sa sambayanan nang walang iniintay na kapalit. #AnakNgBayan
screen-shot-2016-12-13-at-4-46-24-am

Kontribusyon para sa feature ng Manila Today na “Mabubuting Anak ng Bayan”. Kilalanin ang mga kabataang martir ng bayan na tumungo sa kanayunan at nag-alay ng buhay para sa masang api at pinagsasamantalahan. Inspirasyon kayo upang magpatuloy at magsikhay sa mga gawain at patuloy na paglingkuran ang sambayanan.

Heto ang original na post na naisulat noong September 2010: https://www.facebook.com/notes/jonna-baldres/para-kay-bruks-simpleng-tao-kuya-tatay-kaibigan-at-kasama/443809007866

Mga alaala ni Tanya

Standard

Manila Today: Hanggang sa huli ay STP (Serve the People) ang pinanghawakan ni Tanya kaya’t siya’y nagsisilbing huwaran sa mga kabataang artista. #AnakNgBayan

screen-shot-2016-12-13-at-5-01-34-am

Kontribusyon para sa feature ng Manila Today na “Mabubuting Anak ng Bayan”. Kilalanin ang mga kabataang martir ng bayan na tumungo sa kanayunan at nag-alay ng buhay para sa masang api at pinagsasamantalahan. Inspirasyon kayo upang magpatuloy at magsikhay sa mga gawain at patuloy na paglingkuran ang sambayanan.

Heto ang original na post na naisulat noong January 2010: https://www.facebook.com/notes/jonna-baldres/paalam-tanya/260452412866

FIRING SQUAD

Standard

save_MJ

FIRING SQUAD

Karag-karag mo ang maleta
tungo sa iyong destinasyon,
sa lugar na inaakalang mag-aahon
sa iyong pamilya mula sa kahirapan.

Dala mo ang mga pangarap
na hindi natupad sa inang bayan,
dahil ang mga pangarap na ito’y
ibinenta ng sistemang kapital ang ipinaiiral.

Sa maletang iyon, itinanim at natagpuan
ang drogang nagsadlak sa iyo sa kulungan,
at ngayo’y nakapilang bibitayin
sa krimeng hindi ikaw ang may kasalanan.

Sino ang may kagustuhang
mamatay sa lupang hindi sinilangan?
Sino ang may kagustuhang mabitay
kasama ang mga pangarap na tinanganan?

Hindi ikaw, Mary Jane.
At hindi sila Flor, Marilou, Sally at Elizabeth.
Hindi sila Ramon, Joven at Carlito.
Hindi sila Fely, Putli at Lorna.

At alam natin iyan.
Alam nila Elma, Letty, Jackie;
alam ng Florida 15, at ng GIS workers,
at ng libu-libo pang nalinlang
ng mga pangako ng magandang bukas
sa ibang bayang inakala’y kaiba
sa bayang ayaw sanang lisanin ngunit napilitan.

Hindi ninyo kasalanan na tayo’y pinabayaan
ng gobyernong nangako ng tuwid na daan.
Hindi kayo ang may sala sa paglikas
ng milyun-milyong kababayang nangibang-bayan.

Hindi ikaw, Mary Jane,
ang ganid na nagpabaya.
At lalung hindi ikawย ang naghangad
ng labis-labis na biyaya.

At muli, alam natin,
na ang iyong nais lamang naman,
ay iyong kumita nang sasapat lamang
upang mabuhay ang pamilyang naiwan.

Patawad, Mary Jane.
Binigo ka ng iyong gobyernong
bulag sa kapangyarihan.

Marami marahil ang magkikibit-balikat lamang,
dahil wala nga naman sila sa iyong kalagayan.

Pero sana’y dama mo
na mas marami ang sumisigaw ng katarungan;
mula New York, Japan, Middle East, Europa, Australia,
at maging sa tuktok ng mga bulubundukin ng Mindanao at Cordillera.

At hanggang sa huli —
tangan ang nag-aalimpuyong damdamingย hindi maikukubli,
sa trabaho man, lalu’t higit sa mga pagkilos,
hanggang sa pagtulog sa gabi —
asahan mo, Mary Jane, hanggang sa huli —
kasama mo kami.

24 Abril 2015
New York, USA

SAVE MARY JANE VELOSO!
SAVE ALL OFWs IN DEATH ROWS!
NO TO ANOTHER FLOR CONTEMPLACION!
JUSTICE FOR ALL MIGRANT WORKERS!
END LABOR EXPORT POLICY!

Hindi Sapat

Standard

First published in Pinoy Weekly.

Hindi Sapat

Kulang
ang patak ng luha
para sa inyong hinagpis.

Para sa inyong mga nawalan ng mahal sa buhay;
para sa inyong ang mga ari-arian ay nilamon ng karagatan;
para sa inyong napundi ang pag-asa’t lakas;
para sa inyong kinalimutan ng nagha-hari-hariang
nakahimlay nang mahimbing sa gintong tirahan.

Hindi ninyo kasalanan
kung kayo’y mag-alsa’t
dumaluyong sa lansangan;
tulad nang pagdaluyong
ng unos sa mga larangan.

Ang mundo’y inyong katuwang —
sa pag-ahon,
sa pagbalikwas,
sa inyong galit sa mga nagpabaya.

Kayong nakaligtas at nanatiling may pag-asa para sa bayan;
kayong libu-libong muling nagtayo ng mga tahanan;
kayong naghimagsik, tumindig at lumaban
dahil tumimo sa inyo ang kainutilan ng iilan.

Dahil inyong napagtanto
na ang hinagpis
at patak ng luha
ay kulang.

09 Nobyembre 2014
New York, USA

—–

*Para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda/Haiyan, Sendong, Pablo, Ondoy at sa lahat ng mga naging biktima ng kapabayaan ng gobyernong B.S. Aquino III, at maging ng mga nauna rito.

Araw ng mga Ama at Ang Kwentong Pakikibaka ng mga Magulang Ko

Standard

PhotoGrid_1402821327625
Naisulat ko ito noon pang Nobyembre 30, 2011, malamang ay para sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Sa hindi ko maalalang dahilan, hindi ko ito nai-post. Ngayon ko na lang ipo-post makalipas ang mahigit dalawa’t kalahating taon, bilang pagpupugay sa tatay at nanay ko ngayong Araw ng mga Ama.

Sa tatay ko, na sa akdang ito ay mas naging malinaw kung kanino ko namana ang pagiging aktibista. Hehe. Itong sumusunod ang isa rin sa mga naisulat ko noon tungkol sa tatay ko: https://www.facebook.com/notes/jonna-baldres/daddys-girl-could-have-been/408694617866. At sa nanay ko, na mula nang mamatay ang tatay namin noong walong taong gulang pa lang ako, ay s’yang bumuhay at tumayo, hindi lang nanay, kundi pati na rin tatay, sa aming magkakapatid at sa kanyang mga apo. Na sa loob ng mahabang panahong iyon ay nagpamalas din ng ibayong tapang at lakas ng loob bilang “single parent”.

Para sa aking mga magulang, mga pamangkin na sina RJ at Bonz, sa aking panganay na kapatid na Ate Mate na tumayo rin bilang nanay-tatay sa kanyang mga anak, sa aking stepdad na si Bill, sa mga kamag-anak, mga kaibigan at sa mga kasamang amang walang humpay at walang kapagurang nakikibaka para sa isang malaya at makatarungang lipunang nais nilang ipamana sa kanilang mga anak at mga susunod pang henerasyon, isang mapagpalayang Araw ng mga Ama sa inyong lahat! Mabuhay kayo! ๐Ÿ™‚

———

Nobyembre 30 at ang mga Magulang Ko
(Orihinal na pamagat)

Hindi ako makatulog hangga’t hindi ako nakakapag-kwento. Kaya ‘eto’t nagsulat ako ngayong ika-30 ng Nobyembre, isa sa mga pinaka-mahahalagang petsa sa rebolusyonaryo at pambansang-demokratikong kasaysayan ng Pilipinas.

Ngayong araw na ito ang ika-148 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, isa sa mga lider-manggagawang nangtatag ng KKK o Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ito rin ang ika-47 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan at ika-13 ng Anakbayan. Dagdag pa na ika-176 na kaarawan din ito ni Mark Twain, ang Amerikanong manunulat na isa sa mga miyembrong tagapagtatag ng American Anti-Imperialist League na laban sa okupasyon ng America sa Pilipinas noong 1898. At sa araw na ito, unang beses kong narinig ang mas detalyadong kwento ng pakikibaka ng mismong mga magulang ko (well, mga alas-singko ng hapon ng ika-29 ng Nobyembre dito sa New York nang mag-kwentuhan kami ng nanay ko, pero technically ika-30 ng Nobyembre na sa Pinas).

 

Kahapon pagkagising ko, nag-check ako ng voicemail at narinig ko ang mensaheng iniwan ng isa sa mga pinakamatagal na kaibigan ng nanay ko. Hindi raw kasi makontak ang Mami. Noong Sabado pa ‘yung mensahe pero dahil may topak ang phone ko, kahapon ko lang napakinggan. Nakapag-usap na rin pala sila. Base rin s’ya rito sa New York at mas nauna silang nagpunta rito ng isa pang matalik na kaibigan ng nanay ko (tawagin na lang natin sila sa pangalang Tita X at Tita Y. Hehe.)

Sa kurso ng pag-uusap, natanong ko kung paano sila nagkakila-kilala, at dahil doon nga ay naungkat ang nakaraan noong panahong nagtuturo pa sila ng hayskul. Tatay ko aktwali ang kasama ng mga tita na nagtuturo sa isang hayskul sa Mandaluyong. Ang nanay ko naman, doon sa main branch sa may Legarda.

1970’s daw at bago pa mag-martial law nang sa hayskul na pinagtuturuan ng tatay ko, binawasan ang sahod ng mga guro at hindi ibinigay ang 13th-month pay. At dahil dito ay nagtayo ng unyon ang mga guro at ang tatay ko ang nahalal na presidente ng unyon. Si Tita X naman ang bise-presidente, at si Tita Y daw noong una ay “hard to get”, pero sa kalaunan, nang mahamig ay isa sa mga pinaka-committed na miyembro.

Nakakatuwa dahil parang batang eksayted na sinabi ng nanay ko, “Suportado nga sila Daddy mo ng KM eh!” Napag-isip tuloy ako kung nagkulang ng “U” para maging KMU o Kilusang Mayo Uno, ang pinaka-malawak na alyansa ng mga unyon at asosasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas na nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan.

Pero 1970’s pa iyon at hindi pa itinatayo ang KMU. Kaya naisip ko na malamang nga, ang talagang ibig sabihin ng nanay ko ay KM o Kabataang Makabayan, ang pambansang demokratikong organisasyon ng mga kabataan na sumusuporta at mismong nag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa na noong bago ng martial law ay hindi pa itinuturing na iligal ng administrasyong Marcos. Sabagay, nasa mid-30’s pa lang ang tatay ko at mid-20’s ang nanay ko ng mga panahong ito. Pasok pa sila sa age bracket ng itinuturing na “kabataan”.

Nang banggitin ng nanay ko na suportado ng KM ang unyon ng tatay ko, natawa kaming pareho at alam kong pareho kami ng iniisip kaya’t hindi ko na napigilan at sinabi kong, “Eh may pinagmanahan pala talaga ako!”

 

Samantala, sa main branch kung saan naroon ang nanay ko, nagtayo rin daw ng unyon ang administrasyon. At ang nanay ko ang kaisa-isang guro na hindi miyembro nito at hindi inimbitahang sumali dahil nga asawa s’ya ng tatay ko na presidente ng unyong anti-admin sa kabilang branch. O ‘di ba, winner. Hehe.

Mula sa main branch ay nagtayo rin ng unyon ang admin sa iba’t ibang branches nito. At sa branch kung saan naroon ang tatay ko ay tinayuan din ng admin union na ipinanang-tapat sa unyon na pinamumunuan ng tatay ko. Abugado raw ang naging kalaban ng tatay ko at nang mga panahong iyon, Economics teacher pa ang Daddy at hindi pa abugado. Ito raw ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nag-aral ng abugasya ang tatay ko. Natalo nila ang kalabang unyon, kaya para naman daw hindi mapahiya ang abugadong lider ng kabila eh nag-abugado na rin ang tatay ko. Ehehe.

Dagdag pang kwento ng Mami, ninang nila sa kasal ng Daddy ang direktor ng hayskul. Nung mga unang araw daw ng piket ay nakakadaan pa ang direktor dahil nakikiusap sa Daddy, pero nanindigan ang Daddy at hindi na ito pinaraan at pinapasok sa school noong mga sumunod na araw. Nakakatawang ni-reenact pa ng nanay ko kung paanong sinabihan ng tatay ko ang ninang n’yang direktor na “Hindi na po kayo p’wedeng pumasok dito”.

Ilang linggo rin daw silang nag-piket at ilang linggo rin silang walang sweldo at kwento pa ng nanay ko, pati ang mga magulang ng mga estudyante ay nakasama nila sa laban at nagbigay ng suporta sa mga nagpipiket na mga guro. Ang mga tindahan din daw sa paligid ng eskwela ay nagbibigay ng mga pagkain sa kanila noong habang nasa piketlayn sila.

 

Natutuwa ako dahil masaya itong lahat na kinukwento ng nanay ko habang kumakain kami ng hapunan. At bilang isang naging miyembro ng Anakbayan, ang makabagong henerasyon na nagpatuloy sa mga adhikain ng Kabataang Makabayan, at nakaranas mamuhay sa piketlayn at patuloy pa ring nakikilahok sa mga kilos-protesta, demonstrasyon at kampanyang masa maging sa ibayong dagat, ang marinig ang kwentong ito sa unang pagkakataon mula sa nanay ko makalipas ang mahigit apatnapung taon ay, ika nga, ‘priceless’.

Na minsan, tinahak din pala nila ang landas na tinatahak ko ngayon. Na minsan, naging laman ng piketlayn, nakipaglaban sa karapatan at nagkamit ng mga tagumpay para sa kagalingan ng mga manggagawang nakaranas ng pagsasamantala. Na minsan, naging bahagi rin pala ng kasaysayan ng pakikibaka.

Hindi ko na alam ang mga sumunod pa. Napunta na sa ibang paksa ang usapan namin ng nanay ko. Hindi ko rin alam kung may iba pa akong malalaman o kung may iba pa akong gustong malaman. Basta sa ngayon, masaya na muna ako na naka-kwentuhan ang nanay ko at nalaman na minsan ay naging lider-unyonista, o at least, ay naging parte sila ng unyon o nakilahok sila sa mga aksyon. Ma-drama man pakinggan, pero parang napunan ang isang malaking puwang sa buhay ko.

 

Gi-noogle ko ang tatay ko. At nalaman kong na-admit s’ya sa bar at naging ganap na abugado noong May 9, 1980 — walong araw makalipas maitatag ang KMU. &:D

Aralin sa Ekonomyang Pampulitika ni Kerima Tariman (Lesson on Political Economy by Kerima Tariman)

Standard

Also included below is the English translation I did for our Fil-Am and non-Filipino comrades. Would be great if it can also be translated in other languages (Spanish, Chinese, Japanese, etc.) &=)

—————-

ย 

Aralin sa Ekonomyang Pampulitika
ni Kerima Tariman

Nang matuklasan ng isang Aleman
Ang labis na halaga,
Ay nakalkula na rin
Ang lahat-lahat na.

Halaga ng tao
Halaga ng lupa
Halaga ng tula
Halaga ng digma

Kung sa loob pa lamang
Ng tatlong minutong trabaho
Ay nalilikha na ng manggagawa
Ang buong araw niyang suweldo,
Ang tantos ng pagsasamantala
Ay ilang porsyento?
Ay, ang labis na halaga โ€”
O pagpapahalaga โ€”
Sa superganansya’t supertubo!

Binibilang ko ang mga bagay
Na mahalaga sa akin:
Bubong, saplot, araw-araw na kakanin.
Binibilang ko ang araw
At ako’y napapailing:
Bawat minuto,
Kinikita ng mga kumpanya ng langis
Ang katumbas ng walong oras kong pawis.
Bakit ba napakahalaga
Ng paghahangad ng labis,
Kung ang labis-labis,
Ang katumbas ay krisis?

Tinatantya ko kung kailan:
1. mapipigtas sa tanikala ng monopolyo ang pinakamahina nitong kawing
2. aawitin ng kapitalismo ang punebre sa sarili niyang libing.
Pansamantala lamang ba ang pagsasamantala?
Anu-ano ang mga pagkakataong
Dapat nating samantalahin?

Natuklasan din ng Aleman
Na ang manggagawa ay walang bansa,
At kanilang pakikibaka
Ay walang baybayin.

Kaya’t kinakalkula ko muna,
Samantala, kung ano ang mahalaga
Para sa araw-araw nating gawain.
At kung gaano kahalaga,
Mga kasama, ang pagkakaisa sa atin.

—————-

ย 

Lesson on Political Economy
by Kerima Tariman

When a German discovered
The surplus value,
It also calculated
Everything else.

Value of man
Value of land
Value of poem
Value of war

If only just
In three minutes of work
A worker already creates
His/her wage for the whole day,
The rate of exploitation
Is how much percent?
Ay, what excess value —
Or regard —
For super gain and super profit!

I count the things
Which are important to me:
Roof, clothes, daily food.
I count the days
And I shake my head:
Every minute,
The oil companies earn
The equivalent of my 8-hour sweat.
Why is it so important
To desire too much,
If too much excess
Equals to crisis?

I estimate when:
1. the chains of monopoly’s weakest link will snap
2. capitalism will sing its dirge in its own funeral.
Will exploitation be just temporary?
Which are the moments
We must take advantage of?

The German also discovered
That the worker has no country,
And their struggle
Has no border.

So I calculate first,
Meanwhile, what is valuable
For our daily work.
And how valuable,
Comrades, unity is among us.

Kung bakit ko ibinoto si Teddy Casino

Video

Sa May 13, iba naman sa Senado. Hindi kailangan bayaran ang mga taong ito para iboto si Teddy. Dahil si Teddy ay karaniwang tao ring tulad nila, at gusto nilang ang isang tulad nila ang kumatawan sa kanila sa senado.

Karaniwang tao rin ako. Migrante. At si Teddy Casiรฑo lang ang nag-iisang ibinoto ko (naihulog ko na ang balota ko, bilang Overseas Absentee Voter). Dahil alam kong kasama ang taumbayan, titindig s’ya at ipaglalaban n’ya ang mga karapatan ko at ng mas nakararami.

Para sa isang malaya at maaliwalas na Pilipinas at bukas:
#6TeddyCasino sa Senado.รผ

Maaari ring pumili mula sa siyam na Makabayan Partylists na ito:
Bayan Muna, Anakpawis, ACT Teachers, Gabriela, Piston, Migrante, Akapbata, Katribu and Kabataan.