Para maiba naman. Isulat-kamay natin. Hehe. Hapi nyu yir, Pilipinas! Habol kami mamaya! 😄
———-
PARA SA IYO, 2015.
Salamat. Hindi mo ako binigo. You weren’t the best, but you were good enough. 🙂 And you were somehow better than the previous year. Kung may pinatunayan ka man, iyon ay ang kaya kong tumayo muli at magsimula nang panibagong paglalakbay – maaaring may mga panahong mag-isa, pero mas matingkad iyong kaagapay ang mga kasama.
Nariyan iyong mga panibagong hamon – nagsimula sa trabahong housekeeping sa simula ng taon, bumukod at lumipat sa bagong komunidad kasama ang alagang pusang si Pancho (na isa sa mga pinaka-masasayang nangyari ngayong taon), at ang paghamon sa sarili na muling pik-ap-in ang bisikleta at gawin itong regular na parte ng halos pang-araw-araw na pamumuhay (well, maliban ngayong winter). Nariyan din ang unang beses na mag-whitewater rafting at ang unang pagkakataong makapunta sa Northern California. Maaaring sa iba ay maliliit na bagay lamang ang mga ito, pero ilan ito sa mga highlights ng taong ito sa personal na lebel.
Pero higit sa mga ito, nariyan ang kampanyang #SaveMaryJaneVeloso na muling nagpatunay sa lakas at kawastuhan ng sama-samang pagkilos at ng proletaryadong internasyunalismo.
Naganap din ang International Peoples’ Tribunal (IPT) na, bukod sa marami na namang mga bagong kasamang nakilala at muling nakadaupang-palad ang mga kasama noong nasa unibersidad pa, ay lalu pang naglantad sa kabulukan ng estado at nagbigay ng pag-asa na makakamit din ang hustisya sa hinaharap.
Nariyan din ang kampanyang #StopLumadKilllings na umani ng suporta mula sa mas malawak na hanay (sa tulong na rin ng #AlDub, ngunit lalu nang mahusay na pagdadala at pagpapatakbo ng kilusan sa mga kampanyang masa). Ipinakilala rin nitong lalo ang kagandahan, kasaganahan sa likas na yaman at lakas ng mamamayan ng Mindanao, na patuloy na binibiktima ng terorismo ng estado. Sa kabila ng pagmamalupit na ito ay nakilala rin natin ang mga pinaslang ng mga elemento ng estado na tulad nila Tatay Emok, Ka Onil, Datu Bello, at NPA Commander na si Ka Parago – na sa libu-libo ay nagbigay ng pag-asa at nagsilbing inspirasyon upang patuloy na itayo at ipaglaban ang isang lipunang mas maaliwalas. Ilan lamang ito sa mga tampok na aral, kaganapan at mga pangyayari sa taong nakalipas.
Ang 2015 ay taon ng pagsasaayos sa mga nararapat ayusin, pagkokonsolida, puspusang pag-aaral, pagtatasa, paglalagom sa mga karanasan, pagpuna at pagpuna sa sarili, at pagpapatuloy nang mas masikhay sa mga gawain. Ito rin ay taon ng mga bagong silang (literal, dahil maraming ipinanganak.. hehe).
Tulad nang unang nasabi, ang 2015 ay “good enough”. Bakit hindi the best? Dahil “the best is yet to come!” At ‘yan. ‘Yan ang panata sa darating na 2016. 🙂
ISANG MAPAGPALAYANG BAGONG TAON SA LAHAT!
HELLO, 2016!