Araw ng mga Ama at Ang Kwentong Pakikibaka ng mga Magulang Ko

Standard

PhotoGrid_1402821327625
Naisulat ko ito noon pang Nobyembre 30, 2011, malamang ay para sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Sa hindi ko maalalang dahilan, hindi ko ito nai-post. Ngayon ko na lang ipo-post makalipas ang mahigit dalawa’t kalahating taon, bilang pagpupugay sa tatay at nanay ko ngayong Araw ng mga Ama.

Sa tatay ko, na sa akdang ito ay mas naging malinaw kung kanino ko namana ang pagiging aktibista. Hehe. Itong sumusunod ang isa rin sa mga naisulat ko noon tungkol sa tatay ko: https://www.facebook.com/notes/jonna-baldres/daddys-girl-could-have-been/408694617866. At sa nanay ko, na mula nang mamatay ang tatay namin noong walong taong gulang pa lang ako, ay s’yang bumuhay at tumayo, hindi lang nanay, kundi pati na rin tatay, sa aming magkakapatid at sa kanyang mga apo. Na sa loob ng mahabang panahong iyon ay nagpamalas din ng ibayong tapang at lakas ng loob bilang “single parent”.

Para sa aking mga magulang, mga pamangkin na sina RJ at Bonz, sa aking panganay na kapatid na Ate Mate na tumayo rin bilang nanay-tatay sa kanyang mga anak, sa aking stepdad na si Bill, sa mga kamag-anak, mga kaibigan at sa mga kasamang amang walang humpay at walang kapagurang nakikibaka para sa isang malaya at makatarungang lipunang nais nilang ipamana sa kanilang mga anak at mga susunod pang henerasyon, isang mapagpalayang Araw ng mga Ama sa inyong lahat! Mabuhay kayo! 🙂

———

Nobyembre 30 at ang mga Magulang Ko
(Orihinal na pamagat)

Hindi ako makatulog hangga’t hindi ako nakakapag-kwento. Kaya ‘eto’t nagsulat ako ngayong ika-30 ng Nobyembre, isa sa mga pinaka-mahahalagang petsa sa rebolusyonaryo at pambansang-demokratikong kasaysayan ng Pilipinas.

Ngayong araw na ito ang ika-148 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, isa sa mga lider-manggagawang nangtatag ng KKK o Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Ito rin ang ika-47 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan at ika-13 ng Anakbayan. Dagdag pa na ika-176 na kaarawan din ito ni Mark Twain, ang Amerikanong manunulat na isa sa mga miyembrong tagapagtatag ng American Anti-Imperialist League na laban sa okupasyon ng America sa Pilipinas noong 1898. At sa araw na ito, unang beses kong narinig ang mas detalyadong kwento ng pakikibaka ng mismong mga magulang ko (well, mga alas-singko ng hapon ng ika-29 ng Nobyembre dito sa New York nang mag-kwentuhan kami ng nanay ko, pero technically ika-30 ng Nobyembre na sa Pinas).

 

Kahapon pagkagising ko, nag-check ako ng voicemail at narinig ko ang mensaheng iniwan ng isa sa mga pinakamatagal na kaibigan ng nanay ko. Hindi raw kasi makontak ang Mami. Noong Sabado pa ‘yung mensahe pero dahil may topak ang phone ko, kahapon ko lang napakinggan. Nakapag-usap na rin pala sila. Base rin s’ya rito sa New York at mas nauna silang nagpunta rito ng isa pang matalik na kaibigan ng nanay ko (tawagin na lang natin sila sa pangalang Tita X at Tita Y. Hehe.)

Sa kurso ng pag-uusap, natanong ko kung paano sila nagkakila-kilala, at dahil doon nga ay naungkat ang nakaraan noong panahong nagtuturo pa sila ng hayskul. Tatay ko aktwali ang kasama ng mga tita na nagtuturo sa isang hayskul sa Mandaluyong. Ang nanay ko naman, doon sa main branch sa may Legarda.

1970’s daw at bago pa mag-martial law nang sa hayskul na pinagtuturuan ng tatay ko, binawasan ang sahod ng mga guro at hindi ibinigay ang 13th-month pay. At dahil dito ay nagtayo ng unyon ang mga guro at ang tatay ko ang nahalal na presidente ng unyon. Si Tita X naman ang bise-presidente, at si Tita Y daw noong una ay “hard to get”, pero sa kalaunan, nang mahamig ay isa sa mga pinaka-committed na miyembro.

Nakakatuwa dahil parang batang eksayted na sinabi ng nanay ko, “Suportado nga sila Daddy mo ng KM eh!” Napag-isip tuloy ako kung nagkulang ng “U” para maging KMU o Kilusang Mayo Uno, ang pinaka-malawak na alyansa ng mga unyon at asosasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas na nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan.

Pero 1970’s pa iyon at hindi pa itinatayo ang KMU. Kaya naisip ko na malamang nga, ang talagang ibig sabihin ng nanay ko ay KM o Kabataang Makabayan, ang pambansang demokratikong organisasyon ng mga kabataan na sumusuporta at mismong nag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa na noong bago ng martial law ay hindi pa itinuturing na iligal ng administrasyong Marcos. Sabagay, nasa mid-30’s pa lang ang tatay ko at mid-20’s ang nanay ko ng mga panahong ito. Pasok pa sila sa age bracket ng itinuturing na “kabataan”.

Nang banggitin ng nanay ko na suportado ng KM ang unyon ng tatay ko, natawa kaming pareho at alam kong pareho kami ng iniisip kaya’t hindi ko na napigilan at sinabi kong, “Eh may pinagmanahan pala talaga ako!”

 

Samantala, sa main branch kung saan naroon ang nanay ko, nagtayo rin daw ng unyon ang administrasyon. At ang nanay ko ang kaisa-isang guro na hindi miyembro nito at hindi inimbitahang sumali dahil nga asawa s’ya ng tatay ko na presidente ng unyong anti-admin sa kabilang branch. O ‘di ba, winner. Hehe.

Mula sa main branch ay nagtayo rin ng unyon ang admin sa iba’t ibang branches nito. At sa branch kung saan naroon ang tatay ko ay tinayuan din ng admin union na ipinanang-tapat sa unyon na pinamumunuan ng tatay ko. Abugado raw ang naging kalaban ng tatay ko at nang mga panahong iyon, Economics teacher pa ang Daddy at hindi pa abugado. Ito raw ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nag-aral ng abugasya ang tatay ko. Natalo nila ang kalabang unyon, kaya para naman daw hindi mapahiya ang abugadong lider ng kabila eh nag-abugado na rin ang tatay ko. Ehehe.

Dagdag pang kwento ng Mami, ninang nila sa kasal ng Daddy ang direktor ng hayskul. Nung mga unang araw daw ng piket ay nakakadaan pa ang direktor dahil nakikiusap sa Daddy, pero nanindigan ang Daddy at hindi na ito pinaraan at pinapasok sa school noong mga sumunod na araw. Nakakatawang ni-reenact pa ng nanay ko kung paanong sinabihan ng tatay ko ang ninang n’yang direktor na “Hindi na po kayo p’wedeng pumasok dito”.

Ilang linggo rin daw silang nag-piket at ilang linggo rin silang walang sweldo at kwento pa ng nanay ko, pati ang mga magulang ng mga estudyante ay nakasama nila sa laban at nagbigay ng suporta sa mga nagpipiket na mga guro. Ang mga tindahan din daw sa paligid ng eskwela ay nagbibigay ng mga pagkain sa kanila noong habang nasa piketlayn sila.

 

Natutuwa ako dahil masaya itong lahat na kinukwento ng nanay ko habang kumakain kami ng hapunan. At bilang isang naging miyembro ng Anakbayan, ang makabagong henerasyon na nagpatuloy sa mga adhikain ng Kabataang Makabayan, at nakaranas mamuhay sa piketlayn at patuloy pa ring nakikilahok sa mga kilos-protesta, demonstrasyon at kampanyang masa maging sa ibayong dagat, ang marinig ang kwentong ito sa unang pagkakataon mula sa nanay ko makalipas ang mahigit apatnapung taon ay, ika nga, ‘priceless’.

Na minsan, tinahak din pala nila ang landas na tinatahak ko ngayon. Na minsan, naging laman ng piketlayn, nakipaglaban sa karapatan at nagkamit ng mga tagumpay para sa kagalingan ng mga manggagawang nakaranas ng pagsasamantala. Na minsan, naging bahagi rin pala ng kasaysayan ng pakikibaka.

Hindi ko na alam ang mga sumunod pa. Napunta na sa ibang paksa ang usapan namin ng nanay ko. Hindi ko rin alam kung may iba pa akong malalaman o kung may iba pa akong gustong malaman. Basta sa ngayon, masaya na muna ako na naka-kwentuhan ang nanay ko at nalaman na minsan ay naging lider-unyonista, o at least, ay naging parte sila ng unyon o nakilahok sila sa mga aksyon. Ma-drama man pakinggan, pero parang napunan ang isang malaking puwang sa buhay ko.

 

Gi-noogle ko ang tatay ko. At nalaman kong na-admit s’ya sa bar at naging ganap na abugado noong May 9, 1980 — walong araw makalipas maitatag ang KMU. &:D

Leave a comment