Nang Piniling Magsulat ng Migrante sa Malaking Mansanas

Standard

First Published in Pinoy Weekly

“To write is already to choose.”

Hindi ako nag-CEGP (College Editors Guild of the Philippines), pero madalas ko itong naririnig at nababasa noon sa mga kaibigan at kakilalang nagsusulat sa mga pahayagan noong nasa kolehiyo. At dahil mahilig din naman magsulat, at dahil nakapagsulat din naman ng ilang akda noong nasa konseho ng mga mag-aaral sa kolehiyo, isa ito sa mga linyang tumatak sa isip bilang gabay sa pagpili ng mga paksa.

Bilang isang migrante sa New York, maraming maaaring maisulat. Maraming kaganapan dito ang kinakailangang ipamahagi sa iba para mas maintindihan ang mga kalagayan ng mga kababayang narito.

Kuwentong Migrante, Immigrants at Fil-Ams: New York Style<

Hindi natatapos sa mga salitang “I ❤ (heart) New York” ang pagtungtong sa Tate. Dahil hindi naman ito kuwento lamang ng kasaganahan at kasiyahan sa hanay ng mga migrante o immigrants, at maging ng Filipino-Americans (Fil-Ams).

Nariyan ang mga kuwento nina Ate Elma Manliguez, Ate Jackie Aguirre, Ate Letty Moratal, Sentosa 27++, Florida 15, Grand Isle Shipyard workers (New Orleans, Louisiana), Washington DC teachers at iba pang biktima ng trafficking at diskriminasyon. Marami sila at dumarami pa ang naglalakas-loob na magsalita laban sa mga abusadong employer at recruiter.

Nariyan ding natagpuan ang mga bangkay ng domestic workers na sila Ate Fely Garcia at Ate Putli Anjali. At nariyan din ang mga Pilipinang biktima ng domestic violence.

Nariyan din ang kuwento ng kabataang Fil-Ams na nag-suicide dahil hindi nakayanan ang pambu-bully ng mga kaklase. Nariyan din ang Fil-Ams na naghahanap ng kanilang mga ugat at cultural identity.

Nariyan ang kabataang Filipino immigrants na nalulong sa droga na maaaring resulta ng matagal na pagkawalay sa mga magulang na nangibang-bansa, peer pressure, o kahirapan o kagustuhang makibagay sa mga kapwa kabataan sa bagong kapaligirang kanilang ginagalawan. At nariyan din ang mga kabataang biktima ng “Stop and Frisk” ng New York Police Department (NYPD).

Mayroon ding mga kuwento ng matatapang na kabataang Pilipino na undocumented o walang papel na nagsusulong ng mga panawagang “Genuine Immigration Reform Now”“No to Deportation” at “Legalization for All”, hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para sa kanilang mga magulang at buong pamilya.

Lehitimong mga paksa ito na kailangang pag-usapan, bigyang pansin at kapulutan ng mga aral.

Maraming kuwento ng mga migrante, immigrants o Fil-Ams ang maaaring bigyang buhay sa mga panulat. At hindi lamang kuwento ng pagkalugmok, kalungkutan o trahedya, kundi kuwento rin ng paglaban at pakikibaka, ng pagsulong at kolektibong pagkilos.

“Bakit ka pupuntang U.S.? Ayaw mo sa imperyalista, ‘di ba?”

Naalala ko noon, may mga kaibigan ang nagtanong kung bakit daw ako aalis ng Pilipinas at pupunta sa New York gayong galit na galit ako sa mga imperyalista.

Sa totoo lang, sa pareho ring dahilan kung bakit ako narito ngayon at patuloy pa ring lumalaban: dahil ang mga migrante mismo ay biktima ng mga imperyalista. Dahil ang mga migrante ay siya mismong buhay na testamento na ang lakas-paggawa ay ibinebenta ng gobyerno ng Pilipinas sa mga imperyalistang bansa sa pamamagitan ng labor export policy (LEP). Dahil ang mga migrante ang lumilikha ng mga produkto, serbisyo at yaman na kinakamkam ng mga imperyalista para sa interes lamang naman ng iilan. Samantalang ang kapalit na ibinibigay sa mga migrante ay pang-aabuso ng pribadong mga kompanya o employer at kawalang-proteksiyon mula sa mga sangay ng gobyernong siya mismong nagproseso ng kanilang pag-alis.

Sa parehong dahilan kung bakit kinailangang lumisan. Sa parehong dahilan kung bakit kahit nasa ibang bansa ay patuloy pa rin sa paglaban. Lalo ngayong mas tumitindi ang pang-aabuso at atake sa mga migrante kaya’t kinakailangan ding mas pasikhayin ang paglaban, pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa habang nasa ibang bansa.

Kasabay nito ang pakikipag-alyansa rin sa mga migrante at manggagawa ng mga ibang lahi at maging ng mga tubong Tate. Dahil hindi naman ito usapin lamang ng pagkakaiba sa kulay ng balat kundi sa mas malawak na pagtingin, usapin ito ng pagtindig ng uring manggagawa ng iba’t ibang bansa kasama ang uring magsasaka at ang mas malawak na hanay ng lipunang pinagsasamantalahan at inaabuso, laban sa iilang mga imperyalistang ganid at ng mga kasabwat nilang mapang-abusong mga burukrata-kapitalista, burgesya komprador at panginoong maylupa (o kung anuman ang katumbas ng mga ito sa kani-kanilang mga bansa).

Ang paglaban naman sa imperyalista ay hindi naman nangangahulugang ayaw natin sa mga mamamayan ng U.S. (o ng iba pang imperyalistang bansa). Lagi’t lagi ay kailangang magsuri at itaas ang antas sa usapin ng uri at hindi lamang ng lahi.

Hindi naman din natatapos lang sa Pilipinas ang pananamantala at pang-aabuso ng imperyalista sa mga mamamayan. Maaaring lalo pa ngang tumitindi sa imperyalistang bayan at kung minsan ay para lang itong natatakpan ng maskara ng “pag-unlad” kaya’t hindi kaagad o madaling napapansin.

Hindi na rin naman bago ang mga konsepto at teorya. Kailangan lang ilapat sa kongkretong kalagayan at maging bukas sa mga paraan kung paanong haharapin at babakahin ang mga dambuhalang problema ng bayan, saan mang sulok ng mundo mapadpad.

Hindi ko alam kung napagtanto o naintindihan na ng mga kaibigan kung bakit kinailangang umalis ng Pilipinas at manatili sa New York. Pero hindi ko naman ito isinulat para lamang sagutin ang tanong ng mga kaibigan.

Nagsusulat ako ngayon dahil pinili ko ito at pinili kong magsulat para maipamahagi ang mga pakikibakang kinakaharap ng mga kababayan dito sa New York, o maaaring sa iba pang mga states sa susunod. Maaari ring marami pang migrante sa Big Apple (o sa buong U.S.) ang pumiling magsulat ng kanilang mga kuwento sa mga susunod pang mga panahon.

Land of Milk and Honey, Land of the Free?

Sa muling pagsisimula ng pagsulat, nawa’y pagsimulan din ito ng marami pang kuwento ng pakikibaka, lalu rito sa Estados Unidos, na “pusod ng imperyalismo” ngunit kilala rin bilang “land of milk and honey”.

Nawa’y mas makilala at malaman ng mga kababayan ang mga karanasan ng mga nasa Tate — na hindi lamang bilang kasing-puting tulad ng gatas o niyebe at kasing-tamis ng pulot-pukyutan, kundi kasama pati ang makukulay o madidilim na mga karanasan, at maging mga mapapait, na sumasalamin sa kung ano ang tunay na mukha ng ating lipunan.

Bukod dito, mahalaga ring maibahagi kung paanong ang mga migranteng napilitang mangibang-bayan ay natututong lumaban at tumindig para sa kanilang mga karapatan: karapatan sa maayos na pamumuhay; karapatan sa makatarungang sahod at trabahong may dignidad; karapatang makasama ang pamilya at manatili sa mahal na inang bayan. At kung paanong unti-unti, hinuhulma at binabago nila ang mundo, kasama ang iba pang sektor ng lipunan, tungo sa mas malaya at tunay na maaliwalas na kinabukasan.

“To write is already to choose.”

May we choose to write for the oppressed and exploited. 
May we write to free us from the chains of oppression and exploitation.
Wherever we may be. Whenever we can.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s