MOJO at ROJO

Standard

Kaya siguro hindi makausad, dahil hindi pa matapos-tapos ang isang sinimulang tula/prosa/malayang berso/o kung anuman ang tawag dito. Nahanap din ang mga salitang pang-wakas. Para sa isang kasama. Hinihintay ng masa at mga kasama ang iyo/inyong paglabas. &=)

———————–

MOJO* at ROJO**

“Kumusta?
Nagtitingin-tingin lang ako rito sa FB at napadpad ako rito sa page mo.
Hindi ko pala nasagot ang huling message mo noon pang Feb 2011.
Nahiya ako bigla.
Sana ay ok ka, sa’n ka man ngayon.
Buo pa rin ba ang tsinelas?
Sana. &:D

Ingat lagi, brader. STP.***”

FB wallpost. Abril 2012.

I
Isang mensahe ang sumagot sa wallpost ko.
Nitong nakaraang Agosto lang.
Pero hindi ikaw.
Ibang kasama ang sumagot sa tanong ko kung kumusta ka.

Nakapiit ka raw ngayon.
Lagpas isang taon na.
Kaya pala hindi ka na ulit nakasagot.

II
‘Yung kulay-tsokolateng pares ng tsinelas na binigay ko sa iyo noon.
Nuong bago ako umalis; hindi ko alam kung nasabi ko.

Iniingatan ko talaga ‘yon noon,
para sana sa susunod na hiking sa mga bulubundukin ng Japan.

Pero ikaw ang tumupad sa pangarap ko para doon.

III
Hindi pa ako ulit nakabalik.
At hindi ko rin alam kung kailan pa ulit makakabalik.

Sana ay nagamit mo,
at naging mahusay sanang kasama ang pares sa iyo.

At kung sa paglalakbay mo,
ibinigay mo man sa iba pang kasama
o sa masa mang nangangailangan,
para may pang-sapin sa mga talampakang hubad;
salamat.

IV
Kailan nga ba naging sakripisyo para sa atin ang magbigay?
Alam kong gagap na gagap mo iyan.

Dahil ikaw mismo ay hindi nag-kimi,
nang magpasyang tumangan ng tila mas mabigat
at mas matangkad pa yata sa iyong piraso ng asero;
at handang kalabitin ito sa oras na may kumanti
sa mga pananim ni Mang Tano,
sa mga paninda ni ‘Nay Chayong,
sa mga libro’t lapis ni Bunso.

Handa ka ring harangin ang kap’rasong tingi ng bakal
na maaring mas mabilis pa kaysa sa lakbay ng liwanag,
huwag lamang dapuan ng anumang laki — o liit — ng galos
ang mga mag-anak na nagpatuloy, nagpakain at kumupkop.

Doon.

Doon sa mga bulubundukin ng Japan.

V
Sa oras na makarating sa iyo ang sulat na ito,
at kung sakali mang ang isagot mo sa tanong ay:
“Sira na ang tsinelas, sister.
Niratnat na ng mga kasuklam-suklam na nilalang.”
Huwag kang mangamba, brader.

Napudpod man ang tsinelas,
napigtal man o naiwan sa eksena ng sagupaan;
alam kong ang loob mo’y nananatili pa ring kasing-solido —
o higit pa — sa mga batu-bato ng Bundok Tai;
o kasing-taas — o ‘di kaya’y mas angat pa —
sa Bundok Fuji na iyong inakyat.

Dahil doon,
doon sa mga bulubundukin ng Japan;
nakapamuhay mo sila Mang Tano, ‘Nay Chayong at Bunso,
at nadama ang mainit na pagtanggap
ng laksa-laksa pang mga bubong na nagbigay-silong,
na bagamat gawa sa dahon at kung iisa ay kakapiranggot,
pero kung pagsama-samahi’y higit pa sa palasyo
kung makapanukob sa mga gabi’t araw na umuula’t maginaw.

VI
Hindi ka kailanman bilanggo.
Malaya ka.
Malaya mula sa mga kaisipang ganid at bulok.
Malayang lagpas pa sa mga bakal na rehas
at nananahan sa diwa ng mga nagnanais ng pagbabago.

VII
Eh ‘yung pulang sweater, brader?
‘Di mo man ito hawak ngayon,
panigurado ko, ang sagot mo:
“Wala pa ring kupas, sister.”

Image

Image

———————–

* Brand ng tsinelas na naka-gawian nang itawag sa mga tsinelas na pang-hiking (iba man ang brand nito); madalas din ganitong klase ang suot ng mga aktibista dahil matibay at ayos na pang-takbo kapag hinahabol na ng hampas ng mga pasistang pulis

** ”Pula” sa salitang Spanish. Gusto ko lang gamitin sa pamagat dahil ka-rhyme ng Mojo. Ehehe.

*** “Serve the People” o “Paglingkuran ang Sambayanan”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s