Paalam at Salamat, 2011. &=)

Standard

Ika nga ng isang kaibigan last year na nasa Pilipinas: “nyu yir na mamaya dito, dyan bukas pa”

Kaya habang nagpuputukan na sa Pilipinas, heto’t makapagsulat ng year-ender habang tulog ang lahat at sobrang tahimik sa kinalalagyan ko.

Iba pa rin talaga ang New Year dito sa New York. Lalu rito sa upstate na suburb at kinapapalibutan ng mga bundok at maraming puno. Unang beses ko yata rito. Madalas kasi ay sa mga kaibigan sa city nakiki-New Year’s Eve. Gayunpaman, wala rin namang putukan kahit nasa city. Walang maiingay na torotot. Masaya pa rin sa Pilipinas, kahit lusis o watusi lang.

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang blog entry na ito ay pag-alala sa nagdaang taong 2011.

 

Magsisimula ako sa highlight ng taon. Walang iba kundi ang kampanya ng mga manggagawang Pilipino rito sa U.S. Nariyan ang mga naging biktima ng labor trafficking na nagsimula sa dalawa noong unang buwan ng taon, hanggang sa dumami ang naglakas-loob na lumantad at umabot pa sa mahigit isang daan nang lumaon.

Nariyan din ang mga nakilalang manggagawang naapektuhan ng mass layoff at biktima ng wage theft na nasa daan-daan din ang bilang. At nito nga lang huling buwan ay ang libo-libong manggagawang nasa panganib na mawalan ng status dahil sa mga hindi makatarungang immigration policies na ipinapatupad ng mga mambabatas.

Maaaring hindi pa nagkakamit ng malalaking tagumpay ang mga kampanya. Pero simula pa lamang ito ng papatinding laban ng mga migranteng manggagawa rito sa U.S. Ika nga, “exciting times ahead”. Sa taong 2011, mas napagtibay lamang ang batayan na ang U.S. ay hindi naman talagang “land of milk and honey,” at ang Labor Export Policy (LEP), o ang pagpapadala ng gobyerno ng mga mamamayan sa iba’t ibang parte ng mundo, ay hindi makikitang tunay na solusyon sa pag-unlad ng bansa.

 

Bukod pa sa mga migranteng manggagawa, hindi lamang din ito laban ng mga migrante at manggagawa, kundi ng lahat ng sektor na umaasa sa kanilang mga serbisyo at lakas-paggawa. Isa na riyan ang sektor ng mga kabataan at estudyante na inaasahan ding mas titindi pa ang lakas at kapasiyahang mag-aral, mag-organisa at mag-mobilisa, patuloy na makipag-ugnayan sa mga manggagawa sa kanilang mga kinakaharap na laban at matuto sa mga karanasan.

Kaya naman ang Occupy Wall St. ay isa ring highlight dahil isa rin ito sa pinaka-malaking kaganapan na maaaring halawan ng mga aral. Bagamat naging popular at malakas ang pagtangkilik ng marami sa kilusang Occupy, marami pang pag-oorganisa at pag-aaral ang kinakailangang mailunsad upang lubusang masabing ito ay tunay na para sa siyamnapu’t siyam na porsyento o 99%. Tulad nang maraming porma ng pag-aaklas sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang Occupy Wall St. ay masasabing nasa yugto pa lamang ng kapanganakan. At hindi natin isinasara ang posibilidad na maging simula ito ng mas malalaki at matitindi pang laban sa mga darating na taon.

 

Hihinto na muna ako sa dalawang highlights na ito. Pero bilang pagsusuma sa kabuuan ng 2011, ang taong ito ay ang mga sumusunod:

Taon ng pagsasa-ayos. Taon ng paglalagom. Taon ng mga bagong simula. Taon ng mga panandaliang-saya at ligaya (o, ‘yung mga may naiisip d’yan… hahayaan ko na lang kayo mag-isip. Haha.) Taon ng maraming pagkilala at pagkakaroon ng maraming kakilala (lalu’t ng mga migranteng manggagawa, partikular sa U.S.) Taon ng pagpaprayoritisa. Taon ng pagsasabi ng “hindi” kung kinakailangan, at taon ng pagsasabi ng “oo” kung hinihingi ng kalagayan. Ang 2011, sa suma-total ay taon ng pagtanggap sa mga bagay na dapat at hindi dapat.

Tama lang. Balanse ng lungkot, saya, kalinawan ng puso’t isipan, at muli’t muli, reapirmasyon sa landas na piniling tahakin.

At sa pagpasok ng 2012, muli, at para sa taon ng dragon, ang linyang “exciting times ahead” na yata talaga ang pinaka-angkop. Bagamat hindi ito nangangahulugan ng adbenturismo, kundi taon ng pagyakap at pagtanaw sa mas malayang hinaharap. At kung paano itong makakamtan, nariyan na’t nakatambad ang mga solusyon at pamamaraan. Nasa sa atin na lamang kung ang mga ito ay ating tatanggapin at kung hahayaan nating ang mga ito ay maging bahagi ng ating pamumuhay. Nasa sa atin kung ang mga ito’y tatanganan at tatanganan nang mahigpit. At nasa sa atin kung tatahakin nang mag-isa o ng may mga “kasama”.

Isang mapagpalaya at makabuluhang bagong taon sa ating lahat!

—————-

Bilang bahagi ng paglalagom, heto ang mga Facebook statuses at blog entries ko noong mga nagdaang taon. Hehe. Naaliw lang akong i-compile at basahin ulit. &:D

2007
30 Dec 2007 @ 5:14pm in Facebook: “shouts out “Hapi nyu yir ebriwan!!!” &;p”

http://jonnabebeh.multiply.com/journal/item/245/Bagong_taon._Lumang_taon.

2008

https://www.facebook.com/jonnabaldres/posts/69949755864

http://jonnabebeh.multiply.com/journal/item/298/Pagsusuma.

2009

https://www.facebook.com/jonnabaldres/posts/231850697125

https://www.facebook.com/notes/jonna-baldres/avatar-in-real-life/229293357866

2010

https://www.facebook.com/jonnabaldres/posts/125706904161084

https://jonnabaldres.wordpress.com/2010/12/23/bagong-blog/

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s