“Desaparecido”

Standard

(Unang nai-post sa Facebook labing-dalawang oras na ang nakakaraan)

Naisulat na yata ang lahat ng mga dapat isulat tungkol kila Karen* at sa lahat ng mga nawawala. Pero nangako ako, na hangga’t hindi nahahanap si Karen, patuloy rin ang paghahanap ng hustisya. Kaya naman patuloy rin ang pagsusulat. Paulit-ulit man ang punto.

Limang taon, dalawang buwan at apat na araw. Pandaigdigang Araw na naman ng mga Nawawala. Kahit sulat-kamay at ti-nayp sa Facebook na ang gamit ay cellphone lang dahil sira ang kompyuter, minarapat kong magsulat ng tungkol sa isang kaibigan at kasamang “desaparecido”.

“Desaparecido”. Mahirap bigkasin sa umpisa. Mabubulol ka pa nga kung hindi ka sanay sabihin ang salita. Pero marahil para sa mga nawalan, nakatatak na sa utak at nakakabit na ang salitang ito sa mga dila nila sa tuwing magsasalita sila sa harap ng madla para ipaalam na nawalan sila ng kapatid, ama, ina o anak.

Ang saklap lang ‘di ba? Na nawala ang mga “desaparecido” hindi dahil sa marami silang pera para kidnapin na lang basta-basta. Hindi lamang ito kaso ng ‘kidnap for ransom’. Nawala sila nang dahil sa mga paninindigan nila. Nang dahil sa prinsipyo at pulitikang tinatanganan nila.

Mabuti pa nga yata ang namatayan. At least, alam na namatay ang kaanak nila. Naiburol, napaglamayan, naiyakan lulan ng kabaong at nailibing sa kahit kakapiranggot na butas o espasyo sa sementeryo. Pero ang mawalan ng mahal sa buhay at hindi malaman kung saan napunta o kung saan hahanapin at ni wala man lang “closure” ay napakabigat yatang isipin, lalu’t maramdaman at maranasan sa aktwal.

Hindi ako nagsusulat ngayon para magmayabang na may kaibigan at kasama akong “desaparecido”. Hindi ito bagay na marapat na ipagyabang. Dahil ang ibig sabihin lamang nito, para magkaroon ng “desaparecido”, may isang gobyernong manhid at hindi tunay na naglilingkod sa bayan at nananatiling bingi sa mga panawagang protektahan ang karapatang pantao ng sambayanang kanyang dapat na pinagsisilbihan. Isang gobyerno na dahas ang ipinantatapat sa mamamayang nagsisiwalat at nagsasabi ng katotohanan. Isang gobyerno na imbis na paganahin at paunlarin ang tunay na diwa ng tinatawag nating “demokrasya” ay pinatatahimik at dinadakip na lamang ang sinumang sumalungat sa kanya. Hindi yata iyon ang gobyernong dapat na ipinagmamalaki at kinikilalang taga-pamuno ng isang bansa. Kailanman ay hindi iyon ang pinangarap kong gobyerno na susundin.

Naisulat ko na ang “Ismayl” at “Pulang Rosas” para kay Karen. Pero hindi pa ang “Desaparecido”. Marahil dahil ‘in denial’ pa siguro ako noon at ayokong ituring si Karen na nawawala. Pero iyon ang totoo. Iyon ang kongkreto. Na kahit nagpalit na ng pangulo ay hindi pa rin nahahanap si Karen. “Desaparecido” na nga siguro ang pinaka-akmang pamagat dahil sa totoo ay isa s’ya sa libo-libong “desaparecidos”, “disappeared”, o “nawawala” nang dahil lamang sa simpleng rason na mas pinili n’yang pagsilbihan ang mga magsasakang nananawagan ng tunay na reporma sa lupa imbis na pumanig sa gobyernong ganid at dahas ang nagsisilbing panindak.

Desaparecido. Desaparecido. Desaparecido. Parang tongue twister lang. Pero tunay silang nawawala. At dahil may “desaparecido” at HANGGA’T may “desaparecido”, tuloy ang pagbigkas sa nakabubulol na salita. Hangga’t maging matatas ang pagbigkas dito. Hangga’t lubusang maunawaan kung ano ito at sino sila at kung bakit sila nawawala.

————

* Si Karen Empeño ay kapwa estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas na dinakip ng mga pinaghihinalaang militar sa Hagonoy, Bulacan noong 26 June 2006 kasama ang isa pang estudyanteng si Sherlyn Cadapan at magsasakang si G. Manuel Merino. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakikita.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s